ABS-CBN News | December 3, 2017

Nagpababa ng nasa 600 pasahero ang isang southbound na tren ng MRT-3 matapos itong tumirik, Linggo.

Pasado alas-11:20 ng umaga huminto ang tren habang papalapit sa Cubao station dahil sa problema sa automated train protection (ATP) system, ayon sa abiso ng MRT.

Nagkaka-aberya anila ang ATP kapag naiipit ang tachometer na sumusukat sa bilis ng tren.

Labindalawang tren ang tumatakbo hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Binawi ng Department of Transportation (DOTr) ang maintenance ng MRT nitong Oktubre mula sa Busan Universal Rail Inc. dahil sa madalas na mga aberya.

Nakikipag-negosasyon ang DOTr para maibalik ang maintenance ng MRT sa Sumitomo Corp.