ABS-CBN News | November 16, 2017

Naantala ang ilang biyahe ng Metro Rail Transit matapos humiwalay ang isang bagon mula sa ibang bahagi ng tren, Huwebes.

Base sa larawan ni Ivan Caballero Villegas, naiwan sa gitna ng riles sa pagitan ng Ayala at Buendia station ang sinasakyan nilang bagon habang patuloy na papalayo ang unang bahagi ng tren.

"Eksena sa MRT. Umaandar, sabay biglang bitaw ng huling MRT Bus," saad ni Villegas sa isang Facebook post kung saan nakalakip ang larawan ng naiwang bagon.

Kinumpirma ni Cesar Chavez, Department of Transportation Undersecretary for Railways ang insidente, bagaman wala namang pasaherong nasaktan mula sa pagkakakalas ng bagon.

Pinababa naman ang mga pasahero ng MRT.

"Around 130 to 140 passengers were evacuated by the combined security guards from Buendia and Ayala Station," ani Chavez sa isang pahayag.

"Passengers were evacuated from the detached train going to Ayala Stn platform in about 8 to 10 minutes," dagdag niya.

Ayon kay Chavez, bumalik sa normal na operasyon ang MRT bandang 9:30 ng umaga.