Jacque Manabat at Sherrie Ann Torres | ABS-CBN News | November 16, 2017

Kinuwestiyon ni Sen. Grace Poe ang kaligtasan ng pagsakay sa MRT-3 matapos ang isang aksidente at serye ng pagkaantala sa isa sa mga pangunahing riles sa Kamaynilaan.

Nakalas ang isang bagon mula sa tren nitong Huwebes at isang babae ang naputulan ng braso matapos mahulog mula sa platform nitong Miyerkoles.

"Ito ba'y talagang ligtas o hindi? Sabi nila 'ligtas pa naman' pero 'pa naman' 'di ba? 'Yon 'yong medyo nakakabahala sa kanilang mga sinabi," ani Poe, pinuno ng Senate public services committee, sa isang press conference.

Para kay Poe, dapat ikumpisal na ng Department of Transportation (DOTr) kung kailangan nang suspendihin ang operasyon ng MRT.

Para na rin umano ito sa kaligtasan ng halos kalahating milyong sumasakay dito kada araw.

Humingi rin ang Senate public services committee ng datos mula sa DOTr kung ilang aksidente ang naitala sa MRT at LRT, paano ito niresolba, at kung ano ang naitulong ng ahensiya sa mga apektadong pasahero.

Tumutol naman si Senador Tito Sotto na itigil ang operasyon ng MRT.

"Masyadong mahihirapan ang riding public 'pag sinara mo," ani Sotto.

Ayon naman kay Senador Gringo Honasan, hindi iisang administrasyon ang dapat butasan sa isyu ng MRT.

Dapat aniyang maingat na maghanap ng kompanyang mag-aayos sa mga pasilidad ng MRT.

"Itong nangyari sa MRT is a consequence of policy errors," ani Honasan.

Gusto naman ng Makabayan bloc na gobyerno ang humawak sa maintenance o pangangasiwa sa MRT.

Pero para kay MRT General Manager Rodolfo Garcia, hindi opsiyon ang pagpapatigil sa operasyon ng tren.

"Posible 'yon pero kung makikita niyong nakapila lahat ng tao, naghihintay sa istasyon natin ... para lang makasakay at pumunta sa kanilang opisina. Talaga namang magdadalawang-isip kayo kung dapat ihinto ang ating train," ani Garcia.

Inaaral pa ng Senado kung ipapatawag nito muli ang mga opisyal ng DOTr sa gitna ng tumitinding suliranin sa MRT.

Kumalas na bagon

Nitong Huwebes ng umaga, mahigit 130 pasahero ng MRT ang naperwisyo matapos humiwalay ang isang bagon mula sa ibang bahagi ng tren.

Inamin ni Michael Capati, tagapagsalita ng MRT, na maging ang pamunuan ng MRT ay nahihiwagaan kung paano kumalas ang bagon habang tumatakbo.

"Lahat ng technical engineers namin, talagang medyo puzzled kung paano ito nangyari," ani Capati.

Lahat umano ng anggulo'y titingnan sa pag-imbestiga sa insidente, maging ang human intervention o pananabotahe.

Maayos naman umano ang coupler na nagdudugtong sa dalawang bagon.

Bumalik sa normal na operasyon ang MRT bandang 9:30 ng umaga.

Simula Biyernes, Nobyembre 17, 15 tren lang muna ang papatakbuhin upang inspeksyunin ang lahat ng tren.

Iniklian rin ang oras ng mga biyahe. Magsisimula ito ng 5:30 sa halip na alas-5 ng madaling araw at matatapos ng 10:30 ng gabi sa halip na alas-11 ng gabi.