ABS-CBN News | September 13, 2017

Posibleng abutin ng 2 taon bago maging maginhawa para sa mga pasahero ang pagsakay sa MRT-3.

Ito ang pahayag ni Ferdinand Inacay, chief executive officer ng MRail, Inc., ang kumpanyang nagpapanatili ng power supply ng riles.

Aniya, aabutin ng dalawang taon ang pagdagdag ng mga power supply na nagpapatakbo sa MRT.

Ayon kay Icanay, nakaaantala rin ang pagpigil ng gobyerno sa pagbili ng suppliers ng spare parts para maayos ang riles.

Mas maganda aniya kung hindi na maiipit ang suppliers sa pagkuha ng mga spare parts upang mabilis na maresolba ang mga aberya sa MRT.

Humingi rin nang paumanhin si Inacay dahil kinakailangang magbawas umano ng biyahe habang kinukumpuni ang ilang tren.

Ayon kay Bert Suansing, dating pinuno ng Land Transportation Office (LTO), hindi madaling lutasin ang mga teknikal na aberya sa MRT.

Dagdag pa umano rito ang posibilidad na kanselahin ng Department of Transportation (DOTr) ang kontrata ng maintenance provider na Busan Universal Rails Inc., dahil sa palpak na serbisyo.

Upang maibsan ang paghihirap ng mga pasahero, ilulunsad ang mungkahing maglagay ng subway sa bansa.

Ayon kay Timothy Batan, assistant secretary for rails sa DOTr, nakatakdang pirmahan ng gobyerno ang "loan commitment" ng Pilipinas sa Japan para sa subway project sa Nobyembre, pagdating ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe para sa Association of Southeast Asian Nations summit.