Ni Mer Layson | Pilipino Star Ngayon | August 19, 2014
MANILA, Philippines - Inamin ni Light Rail Transit Authority (LRTA) at Metro Rail Transit (MRT-3) spokesman Hernando Cabrera na napapanahon na ang pag-overhaul sa mga tren ng MRT-3.
Ayon kay Cabrera, base sa kanilang manual ay kailangang sumailalim sa overhaul ang mga tren kada ika-8 taon.
Taong 2006 pa nang unang isailalim sa rehabilitasyon ang mga tren kaya’t ngayong 2014 na ang ikawalong taon para sa overhaul.
“Last time na nag-rehabilitate tayo ay taong 2006 pa. Talagang napapanahon na para mai-overhaul ito (mga tren), base dun sa kanilang manual, dapat every eight years e ma-overhaul ito. So ito na yung tamang panahon,” ani Cabrera.
Kaugnay nito, inihayag rin ni Cabrera na magtatalaga na sila ng isa pang tagapagsalita na mula sa maintenance ng MRT-3 para siyang magpaliwanag hinggil sa mga aspetong teknikal ng tren.
Samantala, nakatakdang ilabas ngayong araw ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang resulta ng imbestigasyong isinagawa hinggil sa pagkadiskaril ng isang tren ng Metro Rail Transit (MRT-3) sa Taft Avenue Station nito sa Pasay City noong nakaraang linggo, na nagresulta sa pagkasugat ng halos 40-katao.
Ang resulta ng imbestigasyon ay iaanunsyo ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya.
Una nang napaulat na posibleng human error o technical malfunction umano ang dahilan nang pagkadiskaril ng tren ngunit nilinaw ni Abaya na wala pang resulta ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga sinuri ng komite ang blackbox-like device ng tren at CCTV recordings mula sa istasyon.
Kinuha rin ang mga testimonya ng dalawang operator ng nadiskaril na tren, gayundin ng mga pasahero at mga bystanders na nakasaksi sa aksidente.