By Mer Layson | Pilipino Star Ngayon | August 18, 2014
MANILA, Philippines - Muling nagkaaberya kahapon ang operayon ng Metro Rail Transit (MRT) nang tumigil ang isang tren nito sa bahagi ng Buendia.
Sa kabila nito, naninindigan pa rin si Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Joseph Emilio Abaya na ligtas pa rin itong sakyan ng publiko.
“Again MRT is safe,” wika ni Abaya.
Iginiit ng kalihim na walang dahilan upang tuluyang i-shutdown o ipatigil ang operasyon ng MRT dahil ligtas aniya ito.
Aniya pa, bagamat luma na ang sistema ay ina-upgrade naman ito ng pamahalaan at sinigurong ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maging ‘serviceable’ ito at ‘available’ sa mga mamamayan.
Ginarantiyahan rin ng Kalihim ang kaligtasan ng MRT at sinabing siya mismo ay sasakay rito sa susunod na mga araw.
Tuloy rin naman aniya ang pagpapahusay ng pamahalaan sa kondisyon ng MRT at kabilang sa kanilang mga aksyon ay ang ginawa nilang pagbili ng mga bagong signalling system, power supply at 48 bagong bagon na inaasahang darating sa bansa sa kalagitnaan ng 2015.
Ayon kay MRT spokesperson Hernando Cabrera, napansin ng drayber na nagkaroon ng technical problem ang kanyang minamaneho sa Buendia northbound dakong alas-10 ng umaga.
Nagdesisyon umano itong huwag nang tumuloy pa sa pagbiyahe dahil sa aberya. Pinababa na lamang ang mga pasahero at nagpatulak sa paparating na tren.
Nitong Miyerkules ay nadiskaril ang isang tren at sumalpok sa barrier ng Edsa-Taft Ave. station habang Biyernes naman nang tumirik ang isa pang tren sa Santolan.