Pilipino Star Ngayon | August 19, 2014
KAHAPON ng umaga may nagkaaberya na namang tren ng Metro Rail Transit (MRT). Bumaba umano ang sahig ng tren na dapat ay ka-level ng flatform. Hindi ito pinabiyahe. Maraming commuters ang naatrasado sa kanilang pagpasok sa opisina dahil sa aberya. Noong Linggo ng umaga, nagkaaberya rin ang tren na pa-northbound, nang tumirik habang nasa Gil Puyat
Station, Makati. Pinababa ang mga pasahero at itinulak ito ng isa pang tren. Naatraso ng may kalahating oras ang mga pasahero dahil sa aberya. Pero sabi ng iba, mabuti na lang at pinababa sila. Paano raw kung maulit ang nangyaring aksidente noong Miyerkules kung saan ay lumusot sa barriers ang tren na ikinasugat nang 36 na katao.
Pero bago ang aberya noong Linggo, nagkaaberya rin noong Biyernes ang dalawang tren kaya kinailangang itulak patungo sa North EDSA depot station.
Dahil sa sunud-sunod na aberya ng mga tren, nagkulang na ang mga bumibiyahe at ang resulta, lalong tatambak ang mga pasahero at hahaba ang pila sa mga stations. Wala namang mapagpipilian ang mga pasahero kaya nagtitiis na lamang sila sa masamang serbisyo ng mga tren ng MRT.
Mula nang mangyari ang aksidente noong Miyerkules, marami na ang natatakot na maaaring maulit ang pagbangga ng tren sa barrier at lalampas patungo sa kalsadang maraming tao at sasakyan. Ang sabi ng iba, pagdarasal na lamang ang tangi nilang ginagawa habang nakasakay sa MRT. Wala raw silang alam na mabuting gawin kundi tumawag sa Diyos para makaligtas habang naglalakbay patungo sa opisina, school at iba pang destinasyon.
Kailan nga ba magkakaroon ng pagbabago sa MRT? Habampanahon na lamang bang pagtitiyagaan ng commuters ang mga depektibong train? Hanggang kailan magrereklamo ang mga commuters sa nararanasang masamang serbisyo. Kumikilos ba ang Department of Transportation and Communications (DOTC) para magkaroon ng pagbabago sa MRT? Nadidiskaril ang sinasabing “tuwid na daan” ng pamahalaan dahil sa hindi magandang serbisyo ng MRT.