Ni Bernard Taguinod, Armida Rico | Abante-Tonite | August 19, 2014
Hindi kinagat ng Palasyo ng Malacañang ang hamon ng isang mambabatas kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na sumakay sa Metro Rail Transit (MRT) 3 sa gitna ng sunud-sunod na aberya ng nasabing transport system.
Ayon kay Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr., hindi na kailangang sumakay si Aquino sa MRT para masiguro na ligtas ang mga pasahero.
“Kahit sino pa man ang sumakay diyan, dapat ay matiyak na ligtas ang pagbabiyahe at ‘yan ang tinitiyak ng ating pamahalaan sa araw-araw na operasyon ng MRT,” pahayag ni Coloma.
Tiniyak din ng Palasyo na mayroong mananagot sa mga aberya sa MRT noong nakaraang linggo dahil bukod sa aksidenteng nangyari nang lumabas sa istasyon ang bagon ay nagtala din ng dalawang pagtirik ng tren ng MRT-3.
“Kasama naman ‘yan sa konsiderasyon, ‘yung pagkakaroon ng accountability o pananagutan ng mga opisyal at sinasabi nga natin, ang kanilang pangunahing pananagutan ay tiyakin ‘yung kaligtasan ng mga mamamayan at ng mga pasahero ng MRT,” ani Coloma.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos hamunin ng Kongreso ang gobyerno na panagutin ang mga nagkasala o nagkulang sa aksidente at pagtirik ng tren ng MRT-3.
“‘Yung pananagutan po kasi ay maraming aspeto ‘yan at alam naman natin ‘yung MRT ay isa sa mga ahensiya o bahagi ng Department of Transportation and Communications. Para po sa mga mamamayan, ang pamahalaan ang may pananagutan diyan. Kaya lahat naman po ng opisyal at kawani na may ambag o may sangkot sa operasyon ng MRT ay tumatalima sa ganyang pananagutan,” ani Coloma.
Samantala, tahimik naman si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya sa panawagan ng mga mananakay ng MRT.
Sa isang pahayag, sinabi ni Abaya na hindi na muna siya magsasalita kaugnay sa lumalakas na panawagan sa kanyang pagbibitiw.
Sa ngayon, aniya, nakatutok sila sa imbestigasyon sa naganap na pagkadiskaril ng tren at maging sa mga nagaganap na pagtirik ng mga tren.